Lumaktaw sa pangunahing content

Bakit Mataas Ang Langit

Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang buwan ni bituin. Bakit kaya tumaas ang langit? Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay-kubo. Si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda. Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay. “Maria, magbayo ka ng palay,” ang wika ng ina. “Opo,” ang sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos. “Maria, magmadali ka,” ang tawag na muli ng matanda. “Wala tayong bigas na isasaing.” “Opo, sandali po lamang,” ang tugon ni Maria, nguni’t hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig. “Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Madali ka,” ang galit na galit na utos ng matanda. Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay. Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Nalalaman niyang kap...

Alamat ng Sampaguita

 

Alamat ng Sampaguita (Version 1)

Sa isang malayong bayan sa Norte ay may isang napakagandang dalaga na Liwayway ang pangalan.


Ang kagandahan ni Liwayway ay nakarating hanggang sa malalayong bayan. Hindi naging kataka-taka kung bakit napakarami ng kanyang naging mga manliligaw.


Mula sa hilaga ay isang grupo ng mga mangangaso ang nagawi sa lugar nina Liwayway. Sa kasamaang palad, si Tanggol, isa sa mga ito ay inatake ng baboy-ramo. Ang binata ay dinala sa ama ni Liwayway para mabigyan ng pangunang lunas. Iyon ang naging daan ng paglakalapit nila.


Umibig sina Liwayway at Tanggol sa isa’t-isa sa maikling panahon ng pagkikilala.
Nang gumaling si Tanggol ito ay nagpaalam kay Liwayway at sa mga magulang niya. Anang binata ay susunduin ang ama’t ina upang pormal na hingin ang kamay ng dalaga.


Puno ng pangarap si Liwayway nang ihatid ng tanaw si Tanggol.


Subalit dagling naglaho ang pag-asa ni Liwayway na babalik si Tanggol tulad ng pangako. Ilang pagsikat na ng buwan mula nang umalis ito ngunit ni balita ay wala siyang natanggap.
Isang dating manliligaw ang nakaisip siraan si Tanggol. Ikinalat nito ang balita na hindi na babalik si Tanggol dahil may asawa na ito.


Tinalo ng lungkot, pangungulila, sama ng loob at panibugho ang puso ni Liwayway. Nagkasakit siya. Palibhasa ay sarili lang ang makagagamot sa karamdaman kung kaya ilang linggo lang ay naglubha ang dalaga at namatay.


Bago namatay ay wala siyang nausal kundi ang mga salitang, “Isinusumpa kita! Sumpa kita…”
Ang mga salitang “Isinusumpa kita! Sumpa kita…” ang tanging naiwan ni Lwayway kay Tanggol.


Ilang araw makaraang mailibing si Liwayway ay dumating si Tanggol kasama ang mga magulang. Anito ay hindi agad nakabalik dahil nagkasakit ang ina. Hindi matanggap ng binata na wala na ang babaing pinakamamahal.


Sa sobrang paghihinagpis, araw-araw ay halos madilig ng luha ni Tanggol ang puntod ni Liwayway. Hindi na rin siya bumalik sa sariling bayan upang mabantayan ang puntod ng kasintahan.


Isang araw ay may napansin si Tanggol sa ibabaw ng puntod ni Liwayway. May tumubong halaman doon, halaman na patuloy na dinilig ng kanyang mga luha. Nang mamulaklak ang halaman ay may samyo iyon na ubod ng bango. Tinawag iyong ‘sumpa kita’, ang mga huling salitang binigkas ni Liwayway bago namatay. Ang ‘sumpa kita’ ay ang pinagmulan ng salitang ‘sampaguita’.

Aral

  • Huwag makinig sa mga sabi-sabi. Gayundin naman, huwag gumawa ng hindi totoong kwento tungkol sa iba dahil wala itong mabuting maidudulot kaninuman.
  • Kadalasan, ang paghihintay ay matagal. Ngunit kung tayo ay may tiyaga, siguradong may magandang kahihinatnan ang iyong paghihintay.

Alamat ng Sampaguita (Version 2)

Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa matanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.


Noo’y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.


Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapuwa’t mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin; sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming binatang nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin.
Nakapagtataka kung bakit gayong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway ay sila’y tinubuan ng pag-ibig sa isa’t isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita — walang halong pag-iimbot, walang ano mang masamang hangarin. Sa isang sulok ng bakod ng hangganang natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng isang lihim na lagusan na kanyang madaraanan. Kaya’t kung gabing maliwanag ang buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaaya-ayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.


Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang sila’y magbalik, tumanggap siya ng balita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.


“Sabihin ninyo,” anya sa mga utusan, ” na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagkat tunay na isang pagnanakaw.”


Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin ng sabihin sa kanya ang bilin ng datu roon. “Sabihin niyo sa inyong datu,” ang wika niya sa mga sugo,” na ako’y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binabalik ko lamang sa dapat kalagyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno.”


Ipinag-alab ng loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita. Sa gayong mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.


Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.


Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya’y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito’y himuking iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat. Datapuwa’t wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo’y lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo.


Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat, at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya’y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng hangganang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kasama ng mga abay nito, ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan.


Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay ganito: nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga’y nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang datung ama niya, ngunit sino man sa kanila’y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya’y doon lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak.


Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo’y marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. “Sumpa kita! …Sumpa kita!” ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa’t sila’y nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa’t maputi, maraming talulot at ang iwing bango’y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon.

Sa di-kawasa’y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni’t ang kanilang pagtataka’y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalawang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo’y nanariwa sa alala ng mga matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad – Si Delfin at si Rosita.


Samantala….


Ang kuwento’y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang “Sumpa kita!” na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging “Sampaguita” , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.

Aral
·         Walang hindi naaayos sa mabuting usapan. Kung may alitan sa iba ay pag-usapan ito ng maayos upang hindi na humantong sa mas malalang alitan.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Alamat ng Maalat na Dagat (Bakit Maalat ang Dagat)

Noong unang panahon ang mga tao sa silangan ay nagpupunta pa sa kanluran upang makipagpalitan ng kalakal. Ang mga katutubo sa silangan ay maraming asukal na naimbak. Ito ang ipinamamalit nila upang makakuha naman ng asin. Sapagkat higit na nangangailangan ng asin ang silangan, ang mga katutubo na ang nagpupunta sa kabilang ibayo ng dagat. Ang problemang pagpunta sa kabilang dagat ay iniinda ng mga katutubo. May nakapagpayong dapat magpatulong na sila kay Ang-ngalo upang mabawasan ang kanilang kapaguran. Isang higante si Ang-ngalo. Nakikita ang mga binti niya kapag nahiga at inilatag ang buong katawan sa karagatan. Kapag tumayo naman ay tuhod lang niya ang pinakamatarik na bundok na lapitan niya. Pero kahit isang dambuhalang higante, mabait at matulungin siya. Napapayag ng mga tao na ilatag ni Ang-ngalo ang mga binti sa karagatan. Nanulay sa mga binti ng higante ang mga katutubo upang ihatid ang saku-sakong asukal bilang pamalit ng saku-sako ring asin na kinakailangan. “O hayan, tumulay...

Alamat ng Mais

Noong unang panahon, may isang mag-asawa na ang ikinabubuhay ay ang pagtatanim ng mga gulay. Ito ay kanilang binebenta at kung minsan ay kanila na ring kinakain. Ang mag-asawa ay biniyayaan ng isang magandang anak na babae. Tinawag nila itong Maita. Ang bata ay may maganda, madulas at malambot na buhok. Kapag nasisinagan ng araw, ang buhok ni Maita ay naninilaw na parang ginto. Mahilig ang bata na mag-ayos sa sarili. Upang mapanatili nitong maganda at malambot ang buhok ay halos minu-minuto nitong sinusuklay at inaayos ang buhok. Kadalasan pinagsasabihan si Maita ng kanyang ama na itigil ang sobrang pagsusuklay at tumulong naman sa gawaing bahay. Ngunit natutuwa ang kanyang ina sa pagiging maayos nito sa sarili kaya’t hinahayaan lang niya ito. Bata pa naman daw si Maita; magsasawa din ito sa kanyang buhok at balang araw tutulong din daw siya sa mga gawaing bahay. Subalit, nagkamali ang kanyang nanay. Sa halip mas lalo pang tumindi ang paghanga nito sa sarili at sa kanyang buhok. Kung n...

Ang Alamat ng Hipon

Noong unang panahon, ang mundo ay sagana sa likas na yaman. Walang puno ang hindi hitik sa bunga. Walang ilog ang hindi puno ng isda. Ang mga hayop sa gubat ay naglipana din. Dahil dito ang mga tao ay laging may mga piging. Ito ay alay nila bilang pasasalamat kay Bathala. Lahat ng tao, bata man o matanda, lalake at babae, ay tumaba. Tumaba sila ng tumaba hanggang sa tuwing maliligo kahit na pa tatlong tao lang sa sapa ay umaapaw agad tubig. Ngunit may isang bata ang may bulate kaya lagi siyang walang gana. Habang lumolobo ang mga binti ng ate nya at nagkakagilit-gilit ang leeg ng kuya niya, siya ay lumaking seksi. Ang pangalan niya ay Ipong. Maganda si Ipong. Huwag lang haharap. Dahil kung anong ganda ng katawan ay siya namang pagkaimpakto ng mukha. Ang labi niya ay isang dipang kapal. Ang ilong nya ay matangos naman ngunit bukaka ang mga butas. Ang mga mata niyang banlag ay animo’y laging gulat. Isang araw naglalakad si Ipong papuntang piging ng may bigla siyang nakasalubong na babaen...