Lumaktaw sa pangunahing content

Bakit Mataas Ang Langit

Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang buwan ni bituin. Bakit kaya tumaas ang langit? Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay-kubo. Si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda. Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay. “Maria, magbayo ka ng palay,” ang wika ng ina. “Opo,” ang sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos. “Maria, magmadali ka,” ang tawag na muli ng matanda. “Wala tayong bigas na isasaing.” “Opo, sandali po lamang,” ang tugon ni Maria, nguni’t hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig. “Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Madali ka,” ang galit na galit na utos ng matanda. Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay. Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Nalalaman niyang kap...

Alamat ng Lansones

alamat-ng-lansones


Noong unang panahon, sa isang bayan sa Laguna matatagpuan ang napakaraming mga puno na may mga bilog-bilog na bunga. Mukhang masarap ang prutas ngunit wala sino man ang mangahas na kumain nito sapagkat ang mga bunga ay lason. Ni lumapit sa nasabing puno ay ayaw gawin ng mga taong bayan.

Napatunayan nilang lason ang mga bunga nang isang araw ay may napadpad na manlalakbay sa kanilang bayan. Dahil sa pagod, naupo ang matanda sa ilalim ng nasabing puno upang makapagpahinga. Nang makita ng manlalakbay ang mga nakasabit na bunga ay bigla niyang naalala ang kanyang gutom at pumitas ng mga ito.

May isa sa mga taong bayan ang nakakita nang isubo ng matanda ang bunga. Tinangka niya itong pigilan ngunit huli na ng naabutan niya ang matanda. Nakain na nito ang lasong bunga at unti-unti na itong nangingisay at bumubula ang bibig. Dahil sa pangyayaring ito, mas lalong natakot ang mga taong bayan na lumapit sa puno.

Sumapit ang isang matinding tagtuyot sa lugar. Namatay ang mga pananim at ang tanging natira ay ang mga lasong puno na hitik na hitik sa bunga. Taimtim na nag-dasal ang mga taong bayan na matapos na sana ang tagtuyot upang sila ay muling makapagtanim at makapag-ani ng makakain sapagkat malapit ng maubos ang naka-imbak nilang pagkain.

Isang araw sa kainitan ng tanghali, isang mahiwagang babae ang dumating at kumatok sa mga pintuan ng mga taong bayan. Nanlilimos ang magandang babae ng makakain. Ngunit walang maibigay ang mga tao sapagkat salat din sila sa pagkain. Isang bata ang lumapit sa magandang babae at nagbigay ng kapiranggot na makakain. Pagpasensyahan na daw niya ito dahil iyon na lamang ang natitira niyang pagkain.

Napangiti ang babae at kinuha ang pagkaing inabot ng bata. Pinanood ng bata ang babae habang ito ay kumakain. Pagkatapos kumain, tinanong ng babae ang bata kung bakit nila nasabing salat sila sa pagkain samantalang marami namang bunga ang kanilang mga punong-kahoy. Ikinuwento ng bata sa babae na lason ang mga bungang ito. Napangiti ang babae at umiling ito.

Pumitas siya ng bunga at pinisil ito hanggang sa lumabas ang laman. Bago pa man napigilan ng bata ang babae ay naisubo na nito ang puting laman ng bunga. Nagtaka ang bata sapagkat walang nangyari sa babae; sa halip nakangiti nitong ibinigay ang prutas sa bata na siya namang tinikman din ang bunga.

Masarap at manamis-namis ang prutas. Sa tuwa ng bata ay napasigaw ito at tinawag ang mga kapitbahay upang matikman din nila ang prutas. Nagsilabasan ang mga taong bayan. Noong una ayaw nilang paniwalaan ang bata ngunit di naglaon ay tinikman din nila ito at napag-alaman ngang matamis ang bunga. Hinanap nila ang magandang babae upang pasalamatan ngunit wala na ito.

Naniniwala silang tinanggal ng mahiwagang babae ang lason sa mga bunga. Simula ang dating “lason” ay naging “lansones”.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Alamat ng Maalat na Dagat (Bakit Maalat ang Dagat)

Noong unang panahon ang mga tao sa silangan ay nagpupunta pa sa kanluran upang makipagpalitan ng kalakal. Ang mga katutubo sa silangan ay maraming asukal na naimbak. Ito ang ipinamamalit nila upang makakuha naman ng asin. Sapagkat higit na nangangailangan ng asin ang silangan, ang mga katutubo na ang nagpupunta sa kabilang ibayo ng dagat. Ang problemang pagpunta sa kabilang dagat ay iniinda ng mga katutubo. May nakapagpayong dapat magpatulong na sila kay Ang-ngalo upang mabawasan ang kanilang kapaguran. Isang higante si Ang-ngalo. Nakikita ang mga binti niya kapag nahiga at inilatag ang buong katawan sa karagatan. Kapag tumayo naman ay tuhod lang niya ang pinakamatarik na bundok na lapitan niya. Pero kahit isang dambuhalang higante, mabait at matulungin siya. Napapayag ng mga tao na ilatag ni Ang-ngalo ang mga binti sa karagatan. Nanulay sa mga binti ng higante ang mga katutubo upang ihatid ang saku-sakong asukal bilang pamalit ng saku-sako ring asin na kinakailangan. “O hayan, tumulay...

Alamat ng Mais

Noong unang panahon, may isang mag-asawa na ang ikinabubuhay ay ang pagtatanim ng mga gulay. Ito ay kanilang binebenta at kung minsan ay kanila na ring kinakain. Ang mag-asawa ay biniyayaan ng isang magandang anak na babae. Tinawag nila itong Maita. Ang bata ay may maganda, madulas at malambot na buhok. Kapag nasisinagan ng araw, ang buhok ni Maita ay naninilaw na parang ginto. Mahilig ang bata na mag-ayos sa sarili. Upang mapanatili nitong maganda at malambot ang buhok ay halos minu-minuto nitong sinusuklay at inaayos ang buhok. Kadalasan pinagsasabihan si Maita ng kanyang ama na itigil ang sobrang pagsusuklay at tumulong naman sa gawaing bahay. Ngunit natutuwa ang kanyang ina sa pagiging maayos nito sa sarili kaya’t hinahayaan lang niya ito. Bata pa naman daw si Maita; magsasawa din ito sa kanyang buhok at balang araw tutulong din daw siya sa mga gawaing bahay. Subalit, nagkamali ang kanyang nanay. Sa halip mas lalo pang tumindi ang paghanga nito sa sarili at sa kanyang buhok. Kung n...

Alamat ng Ahas

Alamat ng Ahas (2 Different Versions) Alamat ng Ahas (Version 1) Bago pa man gumagapang ang mga ahas ay dati na silang may mga paa. Tulad ng iba pang mga hayop, ang mga ahas ay may apat na paa na kanilang ginagamit upang makalakad. Sa gubat, tinuruan ng isang guro ang mga magkakaibigang kobra, sawa at dahong palay ng pagtatanggol sa sarili. Ang mga ito ay tinuruan ng guro sapagkat napansin nito na ang mga ahas ay maliliit at palagi silang kinakawawa ng mga mas malalaking hayop. Matapos ang kanilang pagaaral, natuto nga ang mga ahas ng kakayahang ipagtanggol ang sarili. Mahigpit na ipinagbilin ng guro sa mga ito na wag gamitin ang natutunang kakayahan sa paghahambog lamang. Ito ay gagamitin lang nila kung kinakailangan at sa mabuting layunin lamang. Ngunit dahil sa bagong natutunan, naging mataas ang tingin ng mga ito sa sarili. Saan man sila magpunta ay pinagyayabang nila na itinuro sa kanila ng guro ang kakayahan na ipagtanggol ang sarili maski mas malaki pa ang kalaban. Isang araw, a...