Lumaktaw sa pangunahing content

Bakit Mataas Ang Langit

Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang buwan ni bituin. Bakit kaya tumaas ang langit? Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay-kubo. Si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda. Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay. “Maria, magbayo ka ng palay,” ang wika ng ina. “Opo,” ang sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos. “Maria, magmadali ka,” ang tawag na muli ng matanda. “Wala tayong bigas na isasaing.” “Opo, sandali po lamang,” ang tugon ni Maria, nguni’t hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig. “Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Madali ka,” ang galit na galit na utos ng matanda. Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay. Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Nalalaman niyang kap...

Alamat ng Butiki

alamat ng butiki


Noong araw sa isang liblib na nayon ay may mag-ina na naninirahan sa tabi ng kakahuyan.


Ang ina na si Aling Rosa ay isang relihiyosang babae. Palagi siyang nagdarasal, at sinanay din niya ang kanyang anak na lalaki na magdasal at mag-orasyon bago sumapit ang dilim.
Ang anak na si Juan ay isang mabuti at masunuring anak. Palagi niyang sinusunod ang utos ng kanyang ina tungkol sa pagdarasal. Bago dumilim, kahit saan sya naroon ay umuuwi siya upang samahan ang ina sa pag-oorasyon sa tapat ng kanilang bahay.
Maagang namatay ang asawa ni Aling Rosa. Natutuwa naman siya at naging mabait ang kanyang anak na si Juan, na nakatuwang niya sa pagtatanim at paghahanap ng mga makakain.
Sa paglipas ng panahon, mabilis na tumanda si Aling Rosa, at si Juan naman ay naging isang makisig na binata.
Si Aling Rosa ay nanatili na lamang sa bahay at palaging nagpapahinga, samantalang si Juan ay siyang naghahanap ng kanilang makakain sa araw-araw. At kahit mahina na si Aling Rosa ay hindi pa rin nila nakakalimutan ni Juan ang magdasal.
Minsan, habang si Juan ay nangunguha ng bungangkahoy sa gubat, isang babae ang kanyang nakilala; si Helena.
Si Helena ay lubhang kaaki-akit kung kaya’t agad umibig dito si Juan. At dahil sa panunuyo ni Juan kay Helena, gabi na ito nang makauwi.
“O anak, ginabi ka yata ng uwi ngayon. Hindi mo na tuloy ako nasamahang mag-orasyon,” ang wika ni Aling Rosa sa anak.
Pasensiya na po, Inay! Nahirapan ho kasi akong maghanap ng mga prutas sa gubat,” ang pagsisinungaling ni Juan.
Dumalas ang pagtatagpo ni Juan at Helena sa gubat. Nahulog ng husto ang damdamin ni Juan sa dalaga. Hangang minsan, nabigla si Juan sa sinabi ni Helena.
“Hanggang ngayon ay hindi ko pa nararamdaman na tunay ang pag-ibig mo sa akin, kaya nagpasya ako na ito na ang huli nating pagkikita.”
“Ngunit, bakit? Sabihin mo, paano ko mapapatunayan sa iyo na tunay ang aking pag-ibig. Sabihin mo at kahit ano ay gagawin ko,” ang pagsusumamo ni Juan.
“Maniniwala lamang ako sa pag-ibig mo, kung dadalhin mo sa akin ang puso ng iyong ina na nasa iyong mga palad!” ang matigas na wika ni Helena.
Hindi makapaniwala si Juan sa narinig. Malungkot itong umuwi dahil binigyan siya ng taning ni Helena. Kailangan niyang madala ang puso ni Aling Rosa bago maghatinggabi
Nang dumating si Juan sa kanilang bahay ay agad siyang niyaya ni Aling Rosa na mag-orasyon. Nagtungo ang mag-ina sa harap ng kanilang bahay. Ngunit habang nagdarasal iba ang nasa isip ni Juan. Naiisip niya ang pag-iibigan nila ni Helena. At bigla, hinugot ni Juan ang kanyang itak at inundayan si Aling Rosa sa likod. Bumagsak sa lupa ang ina ni Juan, at kahit nanghihina na ay nagsalita ito.
“Anak, bakit? Ngunit anupaman ang iyong dahilan ay napatawad na kita. Ngunit humingi ka ng tawad sa Diyos! Napakalaking kasalanan ang nagawa mo sa iyong sariling ina,” ang umiiyak na wika ni Aling Rosa.
“Diyos ko po, Inay! Patawarin n’yo ako!” ang nagsisising nawika ni Juan na nagbalik sa katinuan ang isip. Umiyak nang husto si Juan lalo na nang pumanaw ang kanyang ina.
Kasabay niyon ay bigla na lamang nagbago ang anyo ni Juan. Siya ay naging isang maliit na hayop na may buntot. Si Juan ay naging isang butiki; ang kauna-unahang butiki sa daigdig.
Mula sa malayo, natanaw ni Juan si Helena na papalapit. Nasindak si Juan nang makita niyang si Helena ay naging isang napakapangit-pangit na engkanto. Humalakhak itong lumapit.
Sa takot, dagling gumapang si Juan papanhik ng bahay hanggang makarating sa kisame.
Nakita rin ni Juan ang engkanto, sa labis na katuwaan ay naging iba’t ibang uri ng kulisap at insekto, at naglaro sa paligid.
Agad na pinagkakain ng butiking si Juan ang mga kulisap na napagawi sa kanya. At dahil doon ay hindi na nakabalik sa dating anyo ang engkanto, at nagtago na lamang ito sa mga halamanan bilang kulisap.
Nagsisi ng husto si Juan ngunit huli na. At bilang pag-alala sa kanyang ina, sinasabing si Juan at ang sumunod pa niyang lahi ay patuloy na bumababa sa lupa bago dumilim upang mag-orasyon.
At hanggang sa ngayon nga ay patuloy pa ring pinupuksa ng mga butiki ang mga kulisap na sa paniniwala nila ay mga engkanto.

Aral

  • Kilalanin muna ang taong iniibig at huwag magpadala sa panlabas na kagandahan lamang.
  • Mahalin ang magulang.
  • Huwag magsisinungaling.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Alamat ng Maalat na Dagat (Bakit Maalat ang Dagat)

Noong unang panahon ang mga tao sa silangan ay nagpupunta pa sa kanluran upang makipagpalitan ng kalakal. Ang mga katutubo sa silangan ay maraming asukal na naimbak. Ito ang ipinamamalit nila upang makakuha naman ng asin. Sapagkat higit na nangangailangan ng asin ang silangan, ang mga katutubo na ang nagpupunta sa kabilang ibayo ng dagat. Ang problemang pagpunta sa kabilang dagat ay iniinda ng mga katutubo. May nakapagpayong dapat magpatulong na sila kay Ang-ngalo upang mabawasan ang kanilang kapaguran. Isang higante si Ang-ngalo. Nakikita ang mga binti niya kapag nahiga at inilatag ang buong katawan sa karagatan. Kapag tumayo naman ay tuhod lang niya ang pinakamatarik na bundok na lapitan niya. Pero kahit isang dambuhalang higante, mabait at matulungin siya. Napapayag ng mga tao na ilatag ni Ang-ngalo ang mga binti sa karagatan. Nanulay sa mga binti ng higante ang mga katutubo upang ihatid ang saku-sakong asukal bilang pamalit ng saku-sako ring asin na kinakailangan. “O hayan, tumulay...

Alamat ng Mais

Noong unang panahon, may isang mag-asawa na ang ikinabubuhay ay ang pagtatanim ng mga gulay. Ito ay kanilang binebenta at kung minsan ay kanila na ring kinakain. Ang mag-asawa ay biniyayaan ng isang magandang anak na babae. Tinawag nila itong Maita. Ang bata ay may maganda, madulas at malambot na buhok. Kapag nasisinagan ng araw, ang buhok ni Maita ay naninilaw na parang ginto. Mahilig ang bata na mag-ayos sa sarili. Upang mapanatili nitong maganda at malambot ang buhok ay halos minu-minuto nitong sinusuklay at inaayos ang buhok. Kadalasan pinagsasabihan si Maita ng kanyang ama na itigil ang sobrang pagsusuklay at tumulong naman sa gawaing bahay. Ngunit natutuwa ang kanyang ina sa pagiging maayos nito sa sarili kaya’t hinahayaan lang niya ito. Bata pa naman daw si Maita; magsasawa din ito sa kanyang buhok at balang araw tutulong din daw siya sa mga gawaing bahay. Subalit, nagkamali ang kanyang nanay. Sa halip mas lalo pang tumindi ang paghanga nito sa sarili at sa kanyang buhok. Kung n...

Alamat ng Ahas

Alamat ng Ahas (2 Different Versions) Alamat ng Ahas (Version 1) Bago pa man gumagapang ang mga ahas ay dati na silang may mga paa. Tulad ng iba pang mga hayop, ang mga ahas ay may apat na paa na kanilang ginagamit upang makalakad. Sa gubat, tinuruan ng isang guro ang mga magkakaibigang kobra, sawa at dahong palay ng pagtatanggol sa sarili. Ang mga ito ay tinuruan ng guro sapagkat napansin nito na ang mga ahas ay maliliit at palagi silang kinakawawa ng mga mas malalaking hayop. Matapos ang kanilang pagaaral, natuto nga ang mga ahas ng kakayahang ipagtanggol ang sarili. Mahigpit na ipinagbilin ng guro sa mga ito na wag gamitin ang natutunang kakayahan sa paghahambog lamang. Ito ay gagamitin lang nila kung kinakailangan at sa mabuting layunin lamang. Ngunit dahil sa bagong natutunan, naging mataas ang tingin ng mga ito sa sarili. Saan man sila magpunta ay pinagyayabang nila na itinuro sa kanila ng guro ang kakayahan na ipagtanggol ang sarili maski mas malaki pa ang kalaban. Isang araw, a...