Lumaktaw sa pangunahing content

Bakit Mataas Ang Langit

Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang buwan ni bituin. Bakit kaya tumaas ang langit? Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay-kubo. Si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda. Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay. “Maria, magbayo ka ng palay,” ang wika ng ina. “Opo,” ang sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos. “Maria, magmadali ka,” ang tawag na muli ng matanda. “Wala tayong bigas na isasaing.” “Opo, sandali po lamang,” ang tugon ni Maria, nguni’t hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig. “Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Madali ka,” ang galit na galit na utos ng matanda. Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay. Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Nalalaman niyang kap...

Alamat ng Baguio: Mina ng Ginto

alamat ng baguio


Sa isang nayon sa Baguio na kung tawagin ay Suyuk, naninirahan ang mga Igorot na pinamumunuan ni Kunto. Si Kunto ay bata pa ngunit siya ang pinakamalakas at pinakamatapang sa kanilang nayon kaya siya ang ginawang puno ng matatandang pantas.

Ang mga naninirahan sa nayong ito ay namumuhay nang tahimik. Maibigin sila sa kapwa at may takot sila sa kanilang bathala. Taun-taon ay nagdaraos sila ng cañao bilang parangal sa kanilang mga anito. Noong panahong iyon, ang mga Igorot ay naniniwala sa iba’t ibang anito.
Kung nagdaraos sila ng cañao ay lingguhan ang kanilang handa. Nagpapatay sila ng baboy na iniaalay sa kanilang bathala. Nagsasayawan at nagkakantahan sila.


Isang araw ay nagtungo si Kunto sa gubat upang mamana. Hindi pa siya lubhang nakalalayo nang nakakita siya ng isang uwak. Nakatayo ito sa isang landas na kanyang tinutunton. Karaniwang ang mga ibon sa gubat ay maiilap ngunit ang ibong ito ay kaiba.


Lumakad si Kunto palapit sa ibon ngunit hindi ito tuminag sa pagkakatayo sa gitna ng landas. Nang may iisang dipa na lamang siya mula sa ibon, bigla siyang napatigil.
Tinitigan siyang mainam ng ibon at saka tumango nang tatlong ulit bago lumipad. Matagal na natigilan si Kunto . Bagamat siya’y malakas at matapang, sinagilahan siya ng takot. Hindi niya mawari kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita.


Hindi na niya ipinagpatuloy ang kanyang pamamana. Siya’y bumalik sa nayon at nakipagkita sa matatandang pantas. Anang isang matanda, “ Marahil ang ibong iyon ay ang sugo ng ating bathala. Ipinaaalaala sa atin na dapat tayong magdaos ng cañao.”

“Kung gayon, ngayon din ay magdaraos tayo ng cañao,” ang pasiya ni Kunto.

Ipinagbigay-alam sa lahat ang cañao na gagawin. Lahat ng mamamayan ay kumilos upang ipagdiwang ito sa isang altar sa isang bundok-bundukan. Ang mga babae naman ay naghanda ng masasarap na pagkain.


Nang ang lahat ay nakahanda na, ang mga lalaki ay humuli ng isang baboy. Ang baboy na ito ay siyang iaalay sa kanilang bathala upang mapawi ang galit, kung ito man ay nagagalit sa kanila.
Inilagay ang baboy sa altar na ginawa nila sa itaas ng bundok-bundukan. Anong laking himala ang nangyari! Nakita nilang ang baboy ay napalitan ng isang pagkatanda-tandang lalaki! Ang mukha ay kulay- lupa na sa katandaan at halos hindi na siya makaupo sa kahinaan.Ang mga tao ay natigilan. Nanlaki ang mga mata sa kanilang nakita. Sila’y natakot.


Maya-maya’y nagsalita ang matanda at nagwika nang ganito: “Mga anak magsilapit kayo. Huwag kayong matakot. Dahil sa kayo’y mabuti at may loob sa inyong bathala, gagantimpalaan ko ang inyong kabutihan. Lamang ay sundin ninyo ang lahat ng aking ipagbilin. Kumuha kayo ng isang tasang kanin at ilagay ninyo rito sa aking tabi. Pagkatapos sukluban ninyo ako ng isang malaking palayok. Ipagpatuloy ninyo ang inyong cañao. Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik kayo rito sa pook na ito. Makikita niyo ang isang punungkahoy, na kahit minsan sa buhay ninyo ay hindi pa ninyo nakikita o makikita magpakailanman. Ang bunga,dahon, at sanga ay maaari ninyong kunin ngunit ang katawan ay huwag ninyong gagalawin. Huwag na huwag ninyong tatagain ang katawan nito.”


Tinupad naman ng mga tao ang ipinagbilin ng matanda.Ipinagpatuloy nila ang kanilang pista. Pagkaraan ng tatlong araw, bumalik sila sa pook na pinag-iwanan sa matanda. Itinaas nila ang palayok at gaya ng sinabi ng matanda, nakita nila ang isang punungkahoy na maliit. Kumikislap ito sa liwanag ng araw-lantay na ginto mula sa ugat hanggang sa kaliit-liitang dahon.
Nagsigawan ang mga tao sa laki ng galak. Si Kunto ang kauna-unahang lumapit sa punungkahoy at pumitas ng isang dahon. Pagkapitas sa dahon ay nagkaroon kaagad ng kapalit ito kayat nag-ibayo ang tuwa sa mga tao. Bawat isa ay pumitas ng dahon.

Sa loob ng maikling panahon, yumaman ang mga taga-Suyuk.Ang dati nilang matahimik na pamumuhay ay napalitan ng pag-iimbutan at inggitan. Ang punungkahoy naman ay patuloy sa pagtaas hanggang sa ang mga dulo nito’y hindi na maabot ng tingin ng mga tao.
Isang araw, anang isang mamamayan, “kay taas-taas na at hindi na natin maabot ang bunga o dahon ng punong-ginto. Mabuti pa ay pagputul-putulin na natin ang mga sanga at dahon nito. Ang puno ay paghahati-hatian natin.”


Kinuha ng mga lalaki ang kanilang mga itak at palakol. Ang iba ay kumuha ng mga sibat. Tinaga nila nang tinaga ang puno at binungkal ang lupa upang lumuwag ang mga ugat. Nang malapit nang mabuwal ang punungkahoy ay kumidlat nang ubod-talim. Kumulog nang ubos-lakas at parang pinagsaklob ang lupa at langit.


Ang punungkahoy ay nabuwal. Nayanig ang lupa at bumuka sa lugar na kinabagsakan ng puno. Isang tinig ang narinig ng mga tao. “Kayo ay binigyan ng gantimpala sa inyong kabutihan. Ang punong-ginto upang maging mariwasa ang inyong pamumuhay. Sa halip na kayo’y higit na mag-ibigan, kasakiman ang naghari sa inyong mga puso. Hindi ninyo sinunod ang aking ipinagbilin na huwag ninyong sasaktan ang puno. Sa tuwi-tuwina ay inyong nanaisin ang gintong iyan.”


At pagkasabi ng mga katagang ito, sa harap ng mga tao sa Suyuk, ang puno ay nilulon na ng lupang kinabuwalan. Mula nga noon, nagkaroon na ng minang ginto sa Baguio at nakukuha lamang ito sa pamamagitan ng paghukay sa lupa.

Aral

Huwag masilaw sa kayamanan.
Matutong tumupad sa pangako.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Alamat ng Maalat na Dagat (Bakit Maalat ang Dagat)

Noong unang panahon ang mga tao sa silangan ay nagpupunta pa sa kanluran upang makipagpalitan ng kalakal. Ang mga katutubo sa silangan ay maraming asukal na naimbak. Ito ang ipinamamalit nila upang makakuha naman ng asin. Sapagkat higit na nangangailangan ng asin ang silangan, ang mga katutubo na ang nagpupunta sa kabilang ibayo ng dagat. Ang problemang pagpunta sa kabilang dagat ay iniinda ng mga katutubo. May nakapagpayong dapat magpatulong na sila kay Ang-ngalo upang mabawasan ang kanilang kapaguran. Isang higante si Ang-ngalo. Nakikita ang mga binti niya kapag nahiga at inilatag ang buong katawan sa karagatan. Kapag tumayo naman ay tuhod lang niya ang pinakamatarik na bundok na lapitan niya. Pero kahit isang dambuhalang higante, mabait at matulungin siya. Napapayag ng mga tao na ilatag ni Ang-ngalo ang mga binti sa karagatan. Nanulay sa mga binti ng higante ang mga katutubo upang ihatid ang saku-sakong asukal bilang pamalit ng saku-sako ring asin na kinakailangan. “O hayan, tumulay...

Alamat ng Mais

Noong unang panahon, may isang mag-asawa na ang ikinabubuhay ay ang pagtatanim ng mga gulay. Ito ay kanilang binebenta at kung minsan ay kanila na ring kinakain. Ang mag-asawa ay biniyayaan ng isang magandang anak na babae. Tinawag nila itong Maita. Ang bata ay may maganda, madulas at malambot na buhok. Kapag nasisinagan ng araw, ang buhok ni Maita ay naninilaw na parang ginto. Mahilig ang bata na mag-ayos sa sarili. Upang mapanatili nitong maganda at malambot ang buhok ay halos minu-minuto nitong sinusuklay at inaayos ang buhok. Kadalasan pinagsasabihan si Maita ng kanyang ama na itigil ang sobrang pagsusuklay at tumulong naman sa gawaing bahay. Ngunit natutuwa ang kanyang ina sa pagiging maayos nito sa sarili kaya’t hinahayaan lang niya ito. Bata pa naman daw si Maita; magsasawa din ito sa kanyang buhok at balang araw tutulong din daw siya sa mga gawaing bahay. Subalit, nagkamali ang kanyang nanay. Sa halip mas lalo pang tumindi ang paghanga nito sa sarili at sa kanyang buhok. Kung n...

Alamat ng Ahas

Alamat ng Ahas (2 Different Versions) Alamat ng Ahas (Version 1) Bago pa man gumagapang ang mga ahas ay dati na silang may mga paa. Tulad ng iba pang mga hayop, ang mga ahas ay may apat na paa na kanilang ginagamit upang makalakad. Sa gubat, tinuruan ng isang guro ang mga magkakaibigang kobra, sawa at dahong palay ng pagtatanggol sa sarili. Ang mga ito ay tinuruan ng guro sapagkat napansin nito na ang mga ahas ay maliliit at palagi silang kinakawawa ng mga mas malalaking hayop. Matapos ang kanilang pagaaral, natuto nga ang mga ahas ng kakayahang ipagtanggol ang sarili. Mahigpit na ipinagbilin ng guro sa mga ito na wag gamitin ang natutunang kakayahan sa paghahambog lamang. Ito ay gagamitin lang nila kung kinakailangan at sa mabuting layunin lamang. Ngunit dahil sa bagong natutunan, naging mataas ang tingin ng mga ito sa sarili. Saan man sila magpunta ay pinagyayabang nila na itinuro sa kanila ng guro ang kakayahan na ipagtanggol ang sarili maski mas malaki pa ang kalaban. Isang araw, a...