Lumaktaw sa pangunahing content

Bakit Mataas Ang Langit

Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang buwan ni bituin. Bakit kaya tumaas ang langit? Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay-kubo. Si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda. Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay. “Maria, magbayo ka ng palay,” ang wika ng ina. “Opo,” ang sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos. “Maria, magmadali ka,” ang tawag na muli ng matanda. “Wala tayong bigas na isasaing.” “Opo, sandali po lamang,” ang tugon ni Maria, nguni’t hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig. “Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Madali ka,” ang galit na galit na utos ng matanda. Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay. Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Nalalaman niyang kap...

Alamat ng Ahas

alamat ng ahas


Alamat ng Ahas (2 Different Versions)

Alamat ng Ahas (Version 1)

Bago pa man gumagapang ang mga ahas ay dati na silang may mga paa. Tulad ng iba pang mga hayop, ang mga ahas ay may apat na paa na kanilang ginagamit upang makalakad. Sa gubat, tinuruan ng isang guro ang mga magkakaibigang kobra, sawa at dahong palay ng pagtatanggol sa sarili. Ang mga ito ay tinuruan ng guro sapagkat napansin nito na ang mga ahas ay maliliit at palagi silang kinakawawa ng mga mas malalaking hayop.
Matapos ang kanilang pagaaral, natuto nga ang mga ahas ng kakayahang ipagtanggol ang sarili. Mahigpit na ipinagbilin ng guro sa mga ito na wag gamitin ang natutunang kakayahan sa paghahambog lamang. Ito ay gagamitin lang nila kung kinakailangan at sa mabuting layunin lamang.
Ngunit dahil sa bagong natutunan, naging mataas ang tingin ng mga ito sa sarili. Saan man sila magpunta ay pinagyayabang nila na itinuro sa kanila ng guro ang kakayahan na ipagtanggol ang sarili maski mas malaki pa ang kalaban.
Isang araw, ang mga ahas ay nagkatuwaan at nagpustahan kung sino sa kanila ang pinakamagaling. Nagpatagisang gilas silang tatlo. Dahil dito, ang lahat ng mga hayop sa gubat ay nagkagulo. Sumakit ang katawan ni Leon ng pilipitin ni kobra. Iika-ika si elepante matapos sipa-sipain ni sawa ang kanyang mga binti. Si matsing naman ay napagod at hinihingal sa katatakbo upang maiwasan ang mga suntok ni dahong palay.
Narinig ng guro ang ginawa ng mga tinuruan niyang ahas. Napa-iling ito at nag-isip kung paano niya tuturuan ng leksiyon ang mga hambog at malilikot na hayop. Matapos mag-isip ay hinanap niya ang mga ahas.
Nang makita ng guro ang mga ahas, ito ay nagdasal. Napatulog niya ang mga ito. Itinali niya at inipit ang mga paa ng malilikot na ahas at pinutol ang mga ito.
Nagising ang tatlo at nakita ang putol nilang mga paa. Nasa tabi nila ang kanilang guro. Pinaunawa ng guro na kaya niya pinutol ang mga paa nito ay dahil sa naging hambog ang mga ito dahil sa panibagong natutunan. Pinagsabihan niya ang mga ahas na simula noon ay wala na silang paa at gagapang na lamang sila para makalakad. Hindi na rin nila magagamit ang kakayahan sa pagtatanggol dahil hindi sila karapat-dapat para dito.
Simula noon ay gumagapang na lang ang mga ahas. Dahil hindi na rin nila magamit ang kakayanan ng pagtatanggol at sa hiyang dinulot ng pagkakaputol ng paa, sila ngayon ay naging mailap sa ibang mga hayop. Nagtatago sila at nag-aantay ng tamang pagkakataon upang umatake sa kanilang biktima.

Aral:

  • Matutong sumunod sa payo ng guro o sa mga mas nakatatanda sa atin dahil ito ay para rin sa ating ikabubuti.
  • Iwasan ang pagiging hambog o mayabang. Wala itong mabuting idudulot sa halip ay makasisira pa ito sa ating pagkatao.

Saan Nanggaling Ang Unang Ahas (Version 2)

Sa isang nayon sa katagalugan, may naninirahang isang mag-ina. Ang biyudang si Aling Sima at ang kanyang anak na si Masung. Bagama’t malaki ang pangangatawan ni Masung ay sobra naman ang kanyang kawalanghiyaan. Sa halip na makatulong siya sa ina ay pabigat pa siya rito.
“Ano kaba naman, anak. Sana man lang ay linangin mo ang lupang iniwan ng iyong ama. Sayang na lang ang pagpapalaki ko sa iyo. Inubos mo lamang ang pera sa pag-inom ng alak,” ang wika ni Aling Sima.
“Ayan na naman kayo. Pagod ako at huwag ninyong isusumbat sa akin ang ibinibigay ninyong pera sa akin dahil sa tungkulin ninyong bigyan ako ng pera!” ang sagot ni Masung.
Walang nagawa si Aling Sima kundi ang tumahimik. Alam niyang walang patutunguhan ang pag-uusap nilang mag-ina dahil sa maling katuwiran ng anak. Hindi lang ubod ng tamad si Masung, siya ay ubod pa ng takaw. Hirap na hirap na ang kanyang ina sa bukid samantalang siya ay naroon at tiyesong-tiyeso sa pagtulog. Tamad na nga siya ay basagulero pa.
Isang araw, natutulog ang matanda nang gulantangin ito ng ingay ng pinto. Humahangos si Masung at naghahanap ng gulok dahil may nakaaway siya. Walang nagawa si Aling Sima kundi ang sumigaw at humingi ng tulong sa kanyang mga kapitbahay. Anim na lalaki ang nagtulung-tulong para lamang mapigil sa pakikipagaway si Masung. Marami nang sinaktang tao si Masung kapag ito ay nagwawala kaya’t siya ay kinatatakutan.
Minsan, wala siyang inabutang pagkain sa bahay. Gutom na gutom pa naman siya. Galit na galit na pinuntahan niya sa silid ang kanyang ina at pabulyaw na nagsabing, “Bakit hindi ninyo ako ipinaghanda ng pagkain?”
“Anak may sakit ako. Wala akong lakas.”
“Kayo may sakit? Arte lang ninyo iyan. Sige bumangon kayo riyan at ipagluto ninyo akong pagkain!”
“Anak, parang awa mo na. Ikaw na muna ang maghanda ng iyong makakain,” ang lumuluhang sabi ni Aling Sima.
“Ako…magluluto..ano ako babae. Hindi maaari, sige bumangon kayo at magluto!” ang bulyaw ni Masung na sabay sipa sa ina.
Sa kawalanghiyaang inasal ng anak ay hindi na nakapagtimpi pa si Aling Sima at nagwika ng, “Walang utang na loob, lapastangan na anak, ikaw na ubod ng tapang ay gagapang sa lupa at kailanman ay hindi ka na makakatayo sapagka’t habang buhay kang gagapang. Mananatili ang iyong kabagsikan at lalo kang katatakutan ng mga tao.”
Tinawanan lamang ni Masung ang sinabi ng ina. Lumayas siya at sa paglalakad niya sa bukid ay bigla siyang nalugmok. Hindi niya maitayo ang kanyang mga paa. Naramdaman niyang unti-unting humahaba at pumapayat ang kanyang katawan hanggang sa tuluyang mawala na ang kanyang mga paa’t kamay. Huli na nang magsisi siya.
Samantala, ang kanya palang kaaway ay lihim siyang sinusundan. Nasaksihan niya ang pagbabago sa katawan ni Masung. Nagdatingan pa ang ibang tao. Nakita nila ang mahabang hayop sa lupa na gumagapang sa damuhan. Nang makita niya ang mga tao ay umakma siyang manunuklaw at sa takot ay nagpulasan ng takbo ang mga tao.
Magmula nga noon ay nilayuan na ng mga tao ang damuhang iyon sa takot na matuklaw sila ni Masung – ang taong naging ahas na siyang pinagmulan ng unang ahas.

Aral:

  • ·         Huwag maging tamad at batugan. Kumilos at magbanat ng buto. Ang trabaho ay biyaya at hindi sumpa upang pahirapan ka. Kaya kung nais umasenso sa buhay ay magsumikap at maging masipag.
  • ·         Iwasan ang pagiging bastos sa mga magulang. Sumagot ng maayos kung mayroon silang itinatanong at sumunod sa kanilang mga utos. Respetuhin sila at igalang. Iparamdam mo sa kanila ang iyong pagmamahal sapagkat hindi sa lahat ng pagkakataon ay kasa-kasama mo sila. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Alamat ng Maalat na Dagat (Bakit Maalat ang Dagat)

Noong unang panahon ang mga tao sa silangan ay nagpupunta pa sa kanluran upang makipagpalitan ng kalakal. Ang mga katutubo sa silangan ay maraming asukal na naimbak. Ito ang ipinamamalit nila upang makakuha naman ng asin. Sapagkat higit na nangangailangan ng asin ang silangan, ang mga katutubo na ang nagpupunta sa kabilang ibayo ng dagat. Ang problemang pagpunta sa kabilang dagat ay iniinda ng mga katutubo. May nakapagpayong dapat magpatulong na sila kay Ang-ngalo upang mabawasan ang kanilang kapaguran. Isang higante si Ang-ngalo. Nakikita ang mga binti niya kapag nahiga at inilatag ang buong katawan sa karagatan. Kapag tumayo naman ay tuhod lang niya ang pinakamatarik na bundok na lapitan niya. Pero kahit isang dambuhalang higante, mabait at matulungin siya. Napapayag ng mga tao na ilatag ni Ang-ngalo ang mga binti sa karagatan. Nanulay sa mga binti ng higante ang mga katutubo upang ihatid ang saku-sakong asukal bilang pamalit ng saku-sako ring asin na kinakailangan. “O hayan, tumulay...

Alamat ng Mais

Noong unang panahon, may isang mag-asawa na ang ikinabubuhay ay ang pagtatanim ng mga gulay. Ito ay kanilang binebenta at kung minsan ay kanila na ring kinakain. Ang mag-asawa ay biniyayaan ng isang magandang anak na babae. Tinawag nila itong Maita. Ang bata ay may maganda, madulas at malambot na buhok. Kapag nasisinagan ng araw, ang buhok ni Maita ay naninilaw na parang ginto. Mahilig ang bata na mag-ayos sa sarili. Upang mapanatili nitong maganda at malambot ang buhok ay halos minu-minuto nitong sinusuklay at inaayos ang buhok. Kadalasan pinagsasabihan si Maita ng kanyang ama na itigil ang sobrang pagsusuklay at tumulong naman sa gawaing bahay. Ngunit natutuwa ang kanyang ina sa pagiging maayos nito sa sarili kaya’t hinahayaan lang niya ito. Bata pa naman daw si Maita; magsasawa din ito sa kanyang buhok at balang araw tutulong din daw siya sa mga gawaing bahay. Subalit, nagkamali ang kanyang nanay. Sa halip mas lalo pang tumindi ang paghanga nito sa sarili at sa kanyang buhok. Kung n...