Noong bago pa lamang likhain ang mundo ay may isang lalaking nilikha si Bathala na ang panagalan ay Bugso. Lahat ng kanyang kailangan ay ipinagkaloob na ni Bathala, kabilang na ang isang malaking palasyo.
Di nagtagal ay nainip na si Bugso dahil wala siyang kasama doon. Kaya naman hiniling niya kay Bathala na magkaroon ng kasama. Nilikha ni Bathala ang isang magandang dilag na si Luning. Nagkaroon din sila ng tatlong anak nito.
Nang minsang mainip na naman si Bugso ay hiniling niya kay Bathala na makahinga at makarating sa ilalim ng karagatan. Ipinagkaloob ito ni Bathala.
Narating ni Bugso ang kailaliman nito at nang muling mainip ay hiniling kay bathala na ilipat sa pinakatuktok ng pinakamataas na bundok ang kanyang palasyo. Pinagbigyan ni Bathala ang hiling ni Bugso.
Nainggit si Bugso sa mga ibong nakakalipad kaya muli ay hiniling niya kay Bathala na makalipad din. Muli siyang tinugon ni Bathala at binigyan ng pakpak.
Ngunit napansin ni Bugso na kahit anong taas ng lipad niya ay hindi niya maabot ang hangganan ng langit. Dahil dito’y hiniling niya kay Bathala na marating din ang langit.
Dito na nagsimulang nagalit si Bathala. Ipinagkaloob na niya lahat ng hiling ni Bugso ngunit di pa rin ito makuntento at nais pang kunin at angkinin ang langit na kanyang tinitirahan.
Dahil dito’y hindi na inalis ni Bathala ang malapad na pakpak ni Bugso. Lumipad siya ng lumipad na wari’y inaangkin ang langit.
At si Bugso ang naging kauna-unahang agila.
Aral:
- Huwag mong hahamunin ang Diyos dahil kahit kailan ay hindi mananalo ang tao sa Kanya.
- Matutong makuntento sa ipinagkaloob ng Diyos.
- Huwag maging sakim.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento